Tumaas ng 50 porsiyento sa nakalipas na sampung taon ang bilang ng mga Pilipinong nag-aaral sa Amerika. Sa kabila ito ng patuloy na kawalan ng katiyakan sa ekonomiya sa daigdig na nakakaapekto sa mga desisyon kaugnay ng edukasyon, ayon sa isang opisyal ng US Embassy nitong Biyernes.
Mula sa humigit-kumulang 3,000 estudyanteng Pinoy na nag-aaral sa US sampung taon na ang nakalipas, umabot na ito sa tinatayang 4,500 noong 2025, ayon kay US Embassy Counselor for Public Affairs Jessica Simon.
“We very much welcome Filipino and international students in the United States,” saad ni Simon sa isang ambush interview, na nagsabi pa na nananatiling bukas ang mga appointment para sa student visa.
Ayon kay Simon, hindi gaanong nakapagpahina sa interes ng mga Pilipinong estudyante ang mga pandaigdigang hamon at kawalan ng katiyakan sa ekonomiya sa mundo.
Sinabi rin niya na kahit naaapektuhan ng mga kawalang-katiyakan ang panahon sa pagdedesisyon ng ilan, marami pa ring estudyante ang patuloy na naghahanap ng oportunidad sa ibang bansa.
“Even if it’s not to depart next month or next year, students can benefit from taking this first step,” saad niya.
Patuloy na kumukuha ang mga Pilipinong estudyante ng iba’t ibang kurso, at nananatiling pangunahing interes ang mga kursong may kaugnayan sa science, technology, engineering, at mathematics (STEM).
“With the increasing awareness of artificial intelligence and related jobs, that’s definitely an area of interest,” ayon kay Simon.
Dagdag pa niya, may mga oportunidad din sa larangan ng sining at humanities.
Aktibo ring isinusulong ng US Embassy ang mga oportunidad sa higher education sa pamamagitan ng mga inisyatiba tulad ng EducationUSA University Fair, na nasa ika-11 taon na ngayon.
Pinagsasama-sama ng naturang event ang mga unibersidad at institusyon sa Amerika na nais palawakin ang bilang ng kanilang international students.
“Universities and colleges are here because they would like more Filipino students,” ani Simon.
Binigyang-diin niya na wala namang kasalukuyang paghihigpit para sa mga Pilipinong nag-a-apply ng US study visa.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga estudyante, nananatiling alalahanin ng maraming pamilyang Pilipino ang halaga ng gastusin sa pag-aaral sa ibang bansa.
“That is an important question because it can be very expensive,” pahayag ni Simon.
Itinuro niya ang mga oportunidad para sa scholarship sa ilalim ng Fulbright Commission, pati na rin ang financial aid na direktang ibinibigay ng mga unibersidad.
Ang EducationUSA University Fair ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap upang mapalakas ang ugnayan ng US at Pilipinas sa pamamagitan ng academic exchange.
“It’s not just a matter of rankings or laboratories or classes,” sabi ni Simon sa kaniyang talumpati. “At its heart, it’s about bringing people together to solve life’s greatest challenges.”
Gaganapin ang ikalawang bahagi ng fair sa Davao City sa Sabado, bilang bahagi ng pagpapalawak nito sa Mindanao.
Kabilang sa mga American institution na kabahagi sa event ay ang:
- Arizona State University
- College of Central Florida
- Lewis University
- Manhattan University
- Middle Tennessee State University
- Saint Louis University
- South Dakota State University
- Southern Utah University
- Stony Brook University
- University of Akron
- Trine University
- University of Rochester
- University of San Francisco.
Kabilang din sa mga kalahok na organisasyon ang British Council (IELTS), College Board (SAT), at Pearson. — FRJ GMA News

