Nailigtas ang 35 kababaihan matapos salakayin ng mga awtoridad ang dalawang magkahiwalay na establisimyento na nagpapanggap na spa, pero prostitution dens na nag-aalok umano ng "extra service" sa Makati City.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, sinabing aakalain na ordinaryong bahay lang ang isang establisimyento mula sa labas sa Brgy. San Isidro ng naturang lungsod.

Pero malamang na isang prostitution den pala ito nang pasukin ng Makati City ng mga pulis noong Biyernes ng gabi.

Samantala, nakaantabay na sa may hindi kalayuan ng bahay ang mga bugaw na nakatransaksyon ng pulis na nagpanggap na customer.

"Dito kami dinala in exchange of P3,000 para mailabas 'yung babae, then pagdating natin sa loob ito 'yung bumungad sa atin. Then nakita ninyo naman 'yung mga baracks na naka-stay doon itong mga babae na katunayan na ito ay mga biktima ng human trafficking," sabi ni Police Major Gideon Ines, hepe ng Makati Police Criminal Investigation Division.

Nang sumalakay ang mga awtoridad, bumungad sa kanila ang desk, lobby at mga kuwartong ginagawa umanong barracks ng mga kababaihan.

Nasa sampu ang kuwarto sa bahay na tinutuluyan daw ng mga nasagip na kababaihan. Mayroon din silang sariling tindahan sa loob ng bahay, bukod pa sa mga kuwartong may napakaraming mga kama sa loob.

Dito lamang umano sinusundo ang mga babae na inilalabas ng mga customer.

Umabot sa 25 kababaihan ang nailigtas sa raid, kabilang ang isang babae na sumampa pa sa bubong para magtago.

"Sa bubong po doon... nagtatago po," sabi ni Police Chief Master Sergeant Rico Caramat, investigator, Makati City Police.

"Natatakot po ako, nabigla kasi ako," sabi ng babaeng nasagip.

Itinanggi naman ng iba pang nasagip na nakikipagtalik sila sa mga customer.

"Hindi po, wala po akong alam kasi kakarating ko lang rin po kahapon galing akong probinsya," sabi ng isang babae.

"Wala [pong extra service dito sa spa], massage lang po," ayon naman sa isa pa.

Nadakip ang tatlong suspek sa pambubugaw umano na sina Rodolfo Robles, Raphael Rosales at Joshua Rivera.

May kasama silang dayuhang customer na ayon sa mga pulis ay kukuha rin sana ng babae.

"Boy lang po ako dito, inutusan lang po nila ako... Bili lang po ng pagkain," sabi ni Robles.

"Naga-assist lang po. 'Pag lumalabas 'yung mga babae... kinukuha sila, magma-massage po sa labas tapos may ano siguro, may extra service po doon," sabi naman ni Rosales.

"Bigla po kaming pinara hindi ko naman po alam na mayroong ganito dito, napasama po kami," ayon kay Rivera.

Samantala, sinalakay din ng mga pulis ang isang spa sa Brgy. Bangkal pasado alas onse ng gabi ng Biyernes.

"Although naka-front na spa 'yan, doon pa lang sa loob, pagbayad mo ng entrance after massage magbabayad ka pa ng tip and then doon nagsa-start 'yung mga sexual activities or extra services," dagdag ni Ines.

Nasagip ang 10 kababaihan habang dalawa ang arestado.

Limang hinihinalang prostitution den na ang nabuwag ng Makati City Police magmula Enero.

Ngunit ang problema ng mga awtoridad, bumabalik lang sa dating gawi ang ilan sa mga na-rescue matapos makuhanan ang mga ito ng profile.

"Dahil na-rescue lang sila, pinapakawalan din sila and then without knowing na bumabalik din pala sila sa mga ganitong trabaho," ayon kay Ines.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act. —Jamil Santos/LBG, GMA News