Inalis ng Bureau of Immigration (BI) sa puwesto ang mga opisyal nila na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang iniimbestigahan ang umano'y lagayan na nangyayari sa paliparan na umaabot sa P10,000 para madaling makapasok sa bansa ang mga Chinese.

Sa utos umano ni Immigration Commissioner Jaime Morente, sinibak sa puwesto ang pinuno ng BI sa NAIA terminal at hepe ng travel control and enforcement unit.

Sa text message, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval, na inalis ang mga hindi pinangalanang opisyal dahil sa "command responsibility."

"But the investigation does not revolve entirely around them. We're looking at the bigger picture, all that might be connected to this alleged scheme, whether internal or external," sabi ni Sandoval.

Iniutos umano ni Morente na imbestigahan ang isiniwalat sa Senado na P10,000 ang ibinabayad ng mga Chinese na dumating sa bansa para makalusot sa BI sa paliparan.

Tinatawag na "pastillas" ang modus dahil ibinabalot umano sa bond paper ang papel.

Sa panayam sa Dobol B sa News TV, sinabi ni Sandoval na bagaman nakatuon ang rebelasyon na nangyari sa NAIA, isinama umano ng BI sa imbestigasyon ang iba pang paliparan sa bansa.

Sinabi rin ni Saldoval na nasa 70 BI personnel na ang nasibak at sinuspindi sa trabaho dahil sa iba't ibang katiwalian na kinasangkutan.

"The office is not taking this lightly… Kung mapatunayan na talagang may ganitong schemes at kung sino ‘yung mga involved dito, definitely hindi po natin ito palalampasin," anang opisyal.

Nitong nakaraang buwan, inatasan din ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation ang pagkakasangkot ng ilang tauhan ng BI sa human trafficking at escorting activities. — FRJ, GMA News