Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong bigyan ng 20% discount ang mga guro sa lahat ng uri ng transportasyon. Pero ang ilang transport group, tutol sa mungkahi.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing sa ilalim ng House Bill 4129, kailangan lang magpakita ang mga guro ng valid ID o PRC ID para makakuha ng 20% discount sa pamasahe.

Pagmumultahin ang sinumang hindi magbibigay ng diskuwento ng mula P1,000 hanggang P25,000, at maaring masuspinde ang driver's license ng isa hanggang tatlong linggo.

Ang guro na si Amy Barbas, sinabing P100 ang ginagastos sa pasamahe araw-araw mula bahay papunta sa eskuwelahan.

"Imbes na ikakain mo na, ibu-budget mo pa talaga sa pamasahe. 'Yung budget na P150, P350 a day, sa P350 mababawas dun P150. P200 na lang pagkain ng anak ko," sabi ni Barbas.

Tatlong sakay naman si Teacher Cecilia Acain bago makarating sa kaniyang pinapasukan kaya tila sa pamasahe na lang daw napupunta ang kita niya sa araw-araw.

"Minsan 'pag nagmamadali ka, gusto mo na umuwi. 'Pag malakas ang ulan, [magta-taxi ka na lang]," sabi ni Acain.

Sa ngayon, nakakatanggap ng 20% discount ang mga estudyante, PWDs at mga senior citizen. Kaya hindi pabor ang ilang transport group sa panukala na bigyan din ng discount ang mga guro.

"Kung mabibigyan pa ng discount 'yun lahat ng mga teacher ay baka naman pati mangagawa eh humingi na rin ng discount sa amin... Kung dadagdagan pa ng ganiyang kabawasan ng kita, halos ano pa kikitain ng mga driver?" sabi ni Efren de Luna, ACTO National President.

Ayon sa Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), mas kailangan ng mga driver ang ayuda kaysa sa mga guro.

"Minimum wage nga sila pero mas malaki ang kita ng teacher kaysa sa mga driver, kasi kami walang fixed na kita... Kung talagang ipagpapatuloy nila 'yan, taasan nila ang pamasahe namin," sabi ni Zeny Aranan, chairperson, FEJODAP.

Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na sasalang pa sa Kongreso ang panukala at dadaan sa masusing pag-aaral kung pagbibigyan o hindi.

"Kailangang balansehin natin... Pag-aaralan po ito at kukunsultahin po yun mga stakeholder natin," sabi ni Joel Bolano, Chief of Technical Division, LTFRB.--Jamil Santos/FRJ, GMA News