Arestado ang dalawang Chinese matapos tutukan ng baril ang guwardya ng isang hotel sa Pasay City nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Martes.

Napag-alaman na dati nang nakulong ang dalawa dahil sa pagnanakaw.

Ayon sa mga guwardiya ng hotel, nagmamadali ang mga suspek pagpasok nila sa hotel kaya hindi sila na-check ng security, dahilan para abangan nila ang pagbaba ng dalawa.

Dagdag pa nila, nagkagulo nang biglang naglabas ng baril ang isang suspek na si Liu Sheng Zhen. Kinalabit daw nito ang baril pero buti na lang at hindi ito pumutok. 

Kalalabas lang pala ng dalawa sa Las Piñas City Jail noong February 12 dahil sa kasong robbery. —KBK, GMA News