Nasawi ang isang 27-anyos na babae matapos siyang saksakin ng kaniyang mister na 38-anyos sa loob ng kanilang bahay sa Davao City. Ang suspek na gumagamit umano ng ilegal na droga, idinahilan na nagtataksil umano sa kaniya ang biktima na nakita niya sa Facebook Messenger.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing inundayan ng saksak ng suspek ang kaniyang misis habang natutulog sa loob ng kanilang bahay nitong Martes sa Barangay 23-C.

Sa kabila ng tinamong mga sugat, nagawa pang makatakbo ng biktima ng ilang hakbang bago ito bumagsak, at idinelarang dead on arrival nang dalhin sa ospital.

Sugatan din ang ina ng biktima na nagtangkang protektahan ang kaniyang anak.

Nadakip naman ang suspek at narekober ang patalim na pinapaniwalaang ginamit sa krimen’.

Ayon sa pulisya, idinahilan ng suspek na nagawa niya ang krimen matapos na makita ang laman ng messenger ng kaniyang misis na nagtataksil umano sa kaniya.

Sinabi naman ng dating punong barangay sa lugar, gumagamit umano ng ilegal na droga ang suspek at nasasangkot sa mga kaguluhan noong panahon ng kaniyang panunungkulan.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong parricide at frustrated parricide. – FRJ GMA Integrated News