Nag-uugnayan umano ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang Overseas Workers Welfare Association (OWWA) para sa pagpapalawak ng mga benepisyong medikal para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Sa isang online press conference noong Miyerkules, ibinahagi ni OWWA Deputy Administrator Rosalia Susana Bahia-Catapang na tinitingnan ng dalawang ahensiya ang posibilidad ng muling pagsasaayos ng kanilang MEDplus program.
Layunin ng MEDplus program na magbigay ng tulong medikal at pinansyal sa mga OFW na miyembro ng PhilHealth at OWWA, upang matulungan silang harapin ang mga malulubhang sakit at pagpapa-ospital, sa Pilipinas man o sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan, hanggang ₱50,000 lamang ang tulong na ibinibigay kada miyembro.
“Mayroon pong assistance na binibigay ang PhilHealth members at ito po tinatapatan ng OWWA financial assistance po. We will be sitting down with PhilHealth in the coming days to work on the improvements and to ensure the effective implementation of the program at para din po maayos po natin ang rollout ng YAKAP (Yaman ng Kalusugan program) at GAMOT (Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment program) sa lahat ng regions natin sa Pilipinas,” ayon kay Catapang.
Samantala, iniulat ng OWWA ang matagumpay na paglulunsad ng kanilang YAKAP Gamot Botika project sa Tuguegarao.
Sa pakikipagtulungan sa PhilHealth, nakapagsilbi umano ang kasalukuyang YAKAP Gamot Botika sa OWWA Central Office sa mahigit 2,000 OFW at kanilang mga pamilya.
“Libreng checkup, laboratory, gamot po para sa ating mga mahal na OFWs and their families, at ngayon po kami ay lumabas na sa Metro Manila… Ang ating objective na aming hihilingin ang suporta sa PhilHealth na ito po ay ating magawa din sa lahat ng regions sa buong Pilipinas,” dagdag ng opisyal.— Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News

