May plano ang pamahalaan ng Spain na gawing legal ang pananatili ng nasa 500,000 undocumented migrants sa pamamagitan ng isang “decree” na naiiba sa mahigpit na patakaran ng ibang bansa sa Europa.
Sinabi ni Migration Minister Elma Saiz na ang mga makikinabang sa naturang hakbang ay maaaring magtrabaho sa anumang sektor, sa alinmang bahagi ng bansa. Pinuri rin niya ang positibong epekto ng migrasyon sa kanila.
"We are talking about estimations, probably more or less the figures may be around half a million people," pahayag niya sa public broadcaster RTVE.
Sinabi ni Saiz sa isang press conference matapos ang pulong ng Gabinete noong Martes, na pinalalakas nila ang isang modelo ng migrasyon na base sa “human rights, integration, coexistence, and compatible with economic growth and social cohesion".
Saklaw ng hakbang ang mga naninirahan sa Spain nang hindi bababa sa limang buwan at nag-aplay para sa international protection bago ang Disyembre 31, 2025.
Dapat na walang criminal record ang mga aplikante, at saklaw din ng regularisasyon ang kanilang mga anak na kasalukuyang naninirahan sa Spain.
Inaasahang magsisimula ang panahon ng aplikasyon sa Abril at magtatagal hanggang sa katapusan ng Hunyo.
Planong idaan ang pagpasa nito sa pamamagitan ng decree na hindi na kailangan ng pag-apruba ng parlamentaryo, na walang mayorya ang koalisyong pinamumunuan ng Socialist Party.
Mariing tinuligsa naman ng konserbatibo at far-right opposition ang plano ng pamahalaan, at iginiit na mahihikayat nito ang mas maraming illegal immigration.
Sa post ni X ni Alberto Núñez Feijóo, pinuno ng Popular Party ng right-wing opposition group, tinawag niyang "ludicrous" ang plano “and would overwhelm our public services".
"In Socialist Spain, illegality is rewarded," giit niya, sabay pangako na babaguhin niya ang migration policy "from top to bottom" kapag nalagay siya sa kapangyarihan.
Suportado naman ng Spanish Catholic Church ang naturang hakbang ng pamahalaan na tinawa niyang "an act of social justice and recognition".
Sinabi ni Socialist Prime Minister Pedro Sanchez na kailangan ng Spain ang mga migrante upang punan ang kakulangan sa lakas-paggawa at labanan ang epekto ng tumatandang populasyon na maaaring magbanta sa sistema ng pensyon at welfare state.
Ayon kay Sanchez, nag-aambag ang mga migrante ng 80 porsiyento ng dynamic economic growth ng Spain sa nakalipas na anim na taon.
Tinatayang nasa 840,000 ang undocumented migrants na naninirahan sa Spain noong unang bahagi ng Enero 2025. Karamihan sa kanila ay mula sa Latin America, ayon sa think tank na Funcas.
Ayon sa pinakahuling datos ng National Statistics Institute, mahigit pitong milyong dayuhan ang naninirahan sa Spain mula sa kabuuang populasyong 49.4 milyon. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News

