Anim sa bawat 10 Pilipino ang walang tiwala sa China at itinuturing pinakamalaking banta sa Pilipinas, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research. Ngunit ang bilang ng mga walang tiwala sa China, malaki ang nabawas kumpara sa survey noong Hulyo 2025.
Sa naturang survey, lumitaw na tanging 13% lamang ng mga Pilipino ang nagsabing may tiwala sila sa China, na bahagyang bumaba mula sa 15% na naitala noong Hulyo 2025. Samantalang 26% ng mga respondent ang undecided sa usapin.
Halos magkakatulad ang antas ng kawalan ng tiwala sa iba’t ibang rehiyon, mula sa pinakamababang 56% sa Visayas hanggang sa pinakamataas na 62% sa National Capital Region (NCR). Nasa Mindanao naman ang pinakamataas na antas ng tiwala sa China na may 18%.
Sa kabila ng mataas na bilang ng mga walang tiwala sa China, binigyang-diin din ng OCTA na mayroon itong malaking pagbaba na 25-puntos kumpara sa 85% distrust na naitala noong Hulyo 2025.
“Overall, the findings indicate broad-based distrust toward China across demographic, regional, and socioeconomic groups. While small pockets of higher trust exist in specific regions and among younger age groups, skepticism remains the dominant sentiment nationwide, with ambivalence persisting among roughly one in four adult Filipinos,” saad sa survey.
“The trends suggest that while trust in China edged downward slightly, the more pronounced change over time has been a reduction in expressed distrust. This shift coincides with a corresponding increase in ambivalence, indicating that changes in sentiment are driven less by growing trust and more by movement away from strongly negative views,” dagdag nito.
Malaking banta
Samantala, 79% ng mga respondent ang nagsabing ang China ang pinakamalaking banta sa Pilipinas, na sinundan ng Russia na may 5% at ng United States of America (USA) na may 4%.
Ang pagtingin na malaking banta sa bansa ang China ay tumaas mula sa 74% na naitala noong Hulyo 2025.
“Perceptions of China as the Philippines’ greatest threat have strengthened over time and stabilized at a high level. The persistence and recent uptick in this measure suggest that China occupies a unique and enduring position in Philippine public opinion on external threats, one that is likely to remain salient in the near term,” ayon sa OCTA.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag tungkol dito ang Chinese Embassy.
Kinalap ang datos ng survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondent na may edad 18 pataas sa buong bansa, na isinagawa mula Disyembre 3 hanggang 11, 2025.
Ang survey ay mayroong ±3% margin of error sa 95% confidence level.
Ang subnational estimates ng margin of error sa 95% confidence level ay ±6% para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. — Jiselle Anne C. Casucian GMA Integrated News

