Isang kasambahay sa Caloocan City ang arestado matapos tangayin ang alahas at pera ng kaniyang amo na may halagang aabot sa P3 milyon, ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa Balitanghali ng GMA News TV.

Nitong Biyernes, nataranta si Rachel nang tumawag sa kanya ang bagong kasambahay na si Linde Boco, 28 anyos, na siya raw ay nabiktima ng dugo-dugo gang.

“Sabi niya may tumawag sa landline na naaksidente nga raw po ako, husband ko tsaka anak ko. Tapos pinapakuha 'yung jewelries ko tsaka pera ko,” kuwento ng biktima.

“Tapos nung tinanong ko siya nakasara 'yung door. Sabi niya sinira daw niya,” dagdag pa niya.

Sa kuha ng CCTV ng gusali, nakita pa ang kasambahay na nag-aabang sa elevator at may bitbit na paper bag kung saan isinilid ang mga alahas at pera habang may kausap sa cellphone.

Nakalabas ang kasambahay sa gusali tangay ang alahas at pera.

Ayon daw sa kasambahay, pinasakay siya sa taxi at binaba lang siya sa Barangay 367.

Naniwala si Rachel na nabiktima lang din ang kasambahay niya pero nagduda na siya nang makita ang sinirang pinto.

"'Yung way ng pagkasira kasi ng door namin parang sobrang weird. 'Pag natataranta ka at 'di mo na alam gagawin mo, imposibleng magagawa mo 'yung ganung butas,” sabi ni Rachel.

“Sakto sa size ng kamay niya na maabot 'yung doorknob sa loob. Siguro kasi 'di niya mabuksan sa labas,” dagdag niya.

Pinaaresto ni Rachel si Boco na hanggang sa presinto, paiba-iba raw ng kwento. Wala ring nakitang incoming o outgoing call sa landline nila gaya ng kwento ng suspek, ayon sa telephone company,

Isang araw pa lang sa kanila ang kasambahay na ni-refer ng isang kaibigan. Nakakulong na ang suspek para sa kasong qualified theft.

Hindi pa nababawi ang mga ninakaw na alahas at pera sa biktima. Sinubukang makunan ng pahayag si Boco pero hindi pinahintulutan ng pulisya. — Joviland Rita/DVM, GMA News