Patay ang isang 46-anyos na guwardiya matapos siyang barilin ng holdaper sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa “Balitanghali Weekend” ng GMA News TV nitong Linggo, huli sa CCTV ang pagtatangka ng isang holdaper na kunin ang bag ng babaeng naglalakad sa may A. Bonifacio Avenue.
Nanlaban ang babaeng biktima kaya bigong makuha ng holdaper ang kaniyang bag.
Kasunod nito, biglang tumayo ang security guard na si Eliberto Cortez mula sa kaniyang puwesto sa kalapit na grocery store.
Nang umangkas muli ang holdaper sa kasama niyang sakay ng motorsiklo, bigla nitong binaril ang guwardiya na siyang bumulagta.
Humarurot palayo ang riding-in-tandem matapos ang pamamaril.
Idineklarang dead on arrival si Cortez nang isugod sa ospital.
Patuloy pang hinahanap ng pulisya ang mga salarin. — Julia Mari Ornedo/DVM, GMA News
