Nakipaghabulan sa Metro Manila Development Authority (MMDA) enforcers ang isang driver na lumabag sa truck ban, ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Balitanghali nitong Lunes.

Naganap ang insidente noong madaling araw ng Biyernes sa EDSA bandang Santolan-Annapolis.

Sa video, kitang pa-zigzag na parang sawa ang takbo ng truck dahilan para makuha nito ang atensiyon ng MMDA mobile.

Hinabol ng MMDA mobile ang truck pero tila wala lang sa driver nito. Umabot ang habulan hanggang underpass ng P. Tuazon hanggang na-corner na ng MMDA constables ang truck.

Pero nakatakas pa rin ang truck kaya tuloy ang habulan. Hindi nagtagal, na-corner na nang tuluyan ang truck. 

Sabi ni MMDA Edsa Special Traffic and Transport Zone chief Bong Nebrija, na-issue-han ng ticket sa paglabag sa truck ban ang driver na si Ronald Auro.

Bawal ang truck mula Magallanes hanggang North Avenue.

Humingi na ng tulong ang MMDA sa Land Transportation Office para mahuli si Auro.

Pagpapaliwanagin din daw ni Nebrija ang tatlong enforcer.

Sa klase raw ng pagmamaneho ng driver, puwedeng kunin  ang lisensya nito, i-impound ang truck, at sampahan ng reklamong arrogant o reckless driving. —KBK, GMA News