Patay ang isang lalaki nang makipagbarilan sa dalawang iba pa sa Commonwealth, Quezon City, hatinggabi nitong Huwebes.
Iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes ni Mai Bermudes na bumulagta ang lalaki sa tapat ng isang supermarket sa kahabaan ng Soliven St. ng Barangay Commonwealth kaninang hatinggabi.
Kinilala ang lalaki na si Luigi Lacaba, 26.
Sugatan naman ang dalawang lalaki sa naturang insidente at dinala sa East Avenue Medical Center.
Pahayag ng mga awtoridad, nagkabarilan at tinamaan si Lacaba sa ulo, dibdib, at likod na naging sangi ng kaniyang pagkamatay.
Napaiyak na lamang ang kaanak ni Lacaba nang makita ito sa lugar na wala nang buhay.
Ayon sa ina ni Lacaba, wala naman daw silang kilalang nakaaway ng kaniyang anak.
Inaalam pa ang motibo sa krimen at iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente. —LBG, GMA News
