Dahil ayaw maging pabigat sa kaniyang mga pamangkin, patuloy na nagtitinda sa kalye ng Maynila ang isang 70-anyos na lola kahit kabilang ang mga matatanda sa peligrosong tamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), bukod pa sa may umiiral na community quarantine.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Lola Flora na nagpasya siyang magtinda pa rin para hindi siya umasa sa kaniyang kaanak na nasa Bulacan.

“Yung tinitirhan ko sa Bulacan pamangkin ko e lagi sila nag-aaway mag-asawa kaya magtitinda-tinda muna ko. ‘Para makatulong ka rin,’ sabi ng asawa, kaya umalis ako,” saad ng matanda.

Una rito, sinabi ng mga eksperto na kabilang ang mga nakatatanda sa mga mapanganib na mahawahan ng virus. Sa tala kasi ng mga pumanaw na dahil sa komplikasyon ng COVID-19, marami ang senior citizens.

Kabilang si Lola Flora sa ilang residente Maynila na patuloy sa paghahanap-buhay at sinusuway ang "home quarantine" na ipinag-uutos ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng virus.

“Okay lang po sa’kin [magtrabaho] kesa mamatay sa gutom na nakadilat,” ayon sa isang tricycle driver na si Nognog.

Sa Pritil Market sa Tondo, nagiging sagabay sa ginagawang pag-disinfect ng lokal na pamahalaan dahil sa dami ng tao sa labas.

“Siguro hangga’t hindi sila nagkakasakit, hindi sila titigil e o hindi sila makikiisa. Ang problema natin, kapag ang isa nagkaroon, pasok sa pamilya, buong komunidad madadamay,” sabi ni Erwin Terana ng Manila City Engineering Department said.

Paulit-ulit naman daw ang mga taga-barangay sa pagpapaalala sa mga tao na manatili sa kani-kanilang tahanan at huwag nang kumalat sa lansangan.--FRJ, GMA News