Inihayag ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na hindi inaprubahan ng Department of Health (DOH) na magamit ang itinayo nilang COVID-19 testing center na layong mapabilis ang  pagsusuri sa mga taong hinihinalang tinamaan ng virus. Ayon naman sa DOH, hindi kasi pumasa sa biosafety standards sa testing center.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Teodoro na pinuna umano ng DOH na lugar ng kanilang testing facility na nasa ika-anim na palapag lang ng isang gusali.

“Hindi tayo inaprubahan, hindi tayo pinayagan ng DOH… dapat daw kung meron kang testing facility ay [nasa] nakahiwalay na gusali,” anang alkalde.

Paliwanag ni Teodoro, nasa ikaanim na palapag ng City Health Office ang kanilang testing center at may sariling elevator.

“Tanging ‘yung testing center na lang ang naroon at merong dedicated, exclusive elevator papunta lamang do’n,” pahayag niya. “Kung gusto raw po naming magkaroon ng testing center, magpatayo kami ng bagong building na paglalagyan ng testing center.”

Pasado naman daw ang pasilidad nila bilang testing center pero ang problema ay ang kinaroroonan ng mga gamit.

“‘Pag ganito ang sagot ng DOH, parang hindi nila nakikita ‘yung pangangailangan at saka time is of the essence po ngayon e,” saad ng alkalde.

Nito sanang Martes plano ng Marikina na magamit ang pasilidad upang makapagsagawa sila ng sariling pagsusuri sa mga pinaghihinalaang tinamaan ng virus.

Handa umano si Teodoro na ipaubaya sa DOH ang mga gamit at pasilidad para mapakinabangan sa panahong ito na kailangang-kailangan.

“Iniisip nga namin ngayon, para pakinabangan itong mga gamit o equipment, kung tatanggapin ng DOH ay willing kaming ibigay ito sa kanila pati ang aming mga test kit na nabili para pakinabangan ng ating kababayan dahil kailangang kailangan po ito e,” anang alkalde.

Ayon kay Teodoro, nasa P2.7 milyon ang nagastos ng lokal na pamahalaan sa pagbili ng polymerase chain reaction machine at nasa P3 hanggang P4 milyon naman sa nasa 3,000 test kits.

Sa online press briefing nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, na kinapos sa pamantayan sa lugar at biosafety ang COVID-19 testing facility ng Marikina.

Tutulong umano ang Research Institute for Tropical Medicine sa lokal na pamahalaan para sa pagbuo ng naturang pasilidad upang matiyak na papasa ito sa "guidelines for biosafety."

"Hindi po naaprubahan dahil hindi po pumasa sa standards on space and biosafety. Nasa sixth floor po kasi ang kanilang laboratory kaya imumungkahi ng DOH na gamitin ang laboratoryo ng Amang Rodriguez Hospital or mag-setup ng laboratoryo sa ibang lokasyon," ayon kay Duque.

"Puwede itong modular or prefab infrastructure lamang. Tutulungan po sila ng RITM kung papaano magpatayo ng isang facility na kasunod sa guidelines for biosafety," dagdag niya. --FRJ, GMA News