Sinita at tiniketan sa Valenzuela City ang magkapatid na health worker na itinuturing frontliners sa laban sa COVID-19 dahil magkaangkas sila sa motorsiklo. Pero lalong nanlumo ang magkapatid nang malaman nilang P5,000 ang multa para matubos ang lisensiya na halos kalahati na ng suweldo nila.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ni Gerald Libiran, administration aide sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City, na naisipan niyang isabay sa pag-uwi sa Bulacan noong Martes ang kapatid niyang si Mark, na admin aide naman sa National Children Hospital, dahil naawa siya na ilang araw nang hindi nakakauwi dahil walang masakyan bunga ng umiiral na Luzon wide community quarantine.

Bagaman pinapayagan naman ang paggamit ng motorsiklo, naglabas naman ng patakaran ang Department of Transportation (DOTr) na bawal ang magkaangkas alinsunod sa layunin ng social distancing para maiwasan ang hawahan ng virus.

Sabi ni Gerald, mayroon naman daw shuttle service sa kanilang lugar pero hindi ito dadaan sa kanilang destinasyon patungong Bulacan.

Kuwento pa niya, mula sa Quezon City ay maayos silang nakabiyahe hanggang sa nasita sila ng tauhan ng MMDA sa Malabon. Pero naunawaan daw ng MMDA enforcer ang kanilang sitwasyon at hinayaan na silang makaalis dahil sa pagiging frontliner nila sa laban sa virus.

Pero pagdating sa Valenzuela City, hindi sila pinagbigyan ng traffic enforcer ng  lungsod at tiniketan sila. Pero lalo raw nanlumo si Gerald nang tutubusin na niya ang lisensiya dahil makita niyang P5,000 ang multang hinihingi sa kaniya, na halos kalahati na ng kaniyang sahod.

Hiling niya, sana ay magkaroon ng kaunting konsiderasyon sa mga frontliner na nagkakaroon ng problema sa pag-uwi sa ganitong sitwasyon ngayon.

Si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, hindi raw mapagbibigyan ang hiling ni Gerald dahil sinusunod lang nila ang patakaran ng DOTr.

Maaari naman daw gamitin ng mga frontliner ang mga inilalaan na shuttle service para sa kanila.

Gayunman, pag-aaralan daw ng lungsod na mababaan ang multang ipinapataw sa mga masisitang frontliner.--FRJ, GMA News