Dinakip ang 16 katao na nakasuot ng camouflage uniform at boluntaryong nagbabantay ng relief goods sa isang gym sa General Santos City matapos silang hindi makapagpakita ng mga kaukulang dokumento.

Sa ulat ng 24 Oras Breaking News bulletin nitong Sabado de Gloria, sinabing nagpakilala ang mga inaresto bilang mga  miyembro ng Special Operations Command Pilippines (SOCP), at mga nakagayak ng camouflage uniform bilang Philippine Army Reservists.

Ayon sa kanila, nakipag-ugnayan sila sa local government unit (LGU) para bantayan ang relief goods na ibibigay sa mga apektado ng quarantine.

Pero nang tanungin sila ng pulisya para sa kanilang mga dokumento, hindi sila nakapagpakita.

Sinabi ng Regional Community Defense Group na na-deactivate na ang SOCP noong 2018.

Mahaharap ang mga inaresto sa kasong paglabag sa Revised Penal Code dahil sa unauthorized use of uniform at usurpation of authority.

Handa raw harapin ng mga dinakip ang kanilang kaso pero kanilang giit, malinis ang kanilang hangarin.

Patuloy na kinukuhanan ng GMA News ang pahayag ng LGU. -Jamil Santos/MDM, GMA News