Para matakot ang mga residente at mapilitang sumunod sa enhanced community quarantine na ipinatutupad dahil sa banta ng COVID-19, gumamit ng gimmick ang ilang opisyal ng Maynila.
Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Lunes, tatlong linggo nang nakaharang sa Loreto Street sa Barangay 436 sa Sampaloc, Manila ang isang kabaong.
"’Yung reaction din ng mga tao tungkol sa kabaong na ‘yan [ay] hindi na sila dumadaan pa doon,” ayon sa kapitan na si Roma Pangga Andrea.
Nakipag-usap si Andrea sa mga tauhan ng St. Mark Chapel na maglagay ng kabaong sa isang checkpoint sa tapat ng kanilang punerarya. Ginawa raw ito ng local na pamahalaan para sumunod ang kanilang residente na manatili na lamang sa loob ng kani-kanilang mga bahay.
Sumusunod naman ang mga residente sa mga polisiya katulad ng curfew.
Samantala, sa Barangay 344 Zone 35 sa Sta. Cruz, Manila naman, may isang nakasuot ng costume na Kamatayan ang sumasama sa pag-iikot ng mga tanod at kagawad sa lugar tuwing sasapit ang curfew.
May dalang karatula si "Kamatayan" na may na nakasulat na manatili sa loob ng bahay, ayon sa ulat ni James Agustin sa 24 Oras Weekend nitong Linggo.
“Maraming bata sa amin e, so hindi na namin kailangan magsaway ng mga bata. Kapag nakitang lumabas na siya, magtatakbuhan na yung mga bata. Uuwi na,” sabi ng chairman na si Allan Yamson. --Joviland Rita
Sa ngayon, may 305 na na kaso ng COVID-19 sa Maynila. Nasa 38 na ang pumanaw, habang 25 na ang gumaling. --Joviland Rita/KBK, GMA News