Hiniling ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na pakawalan ang 10 volunteer na inaresto ng mga pulis habang namamahagi umano ng relief goods. Pero sabi ng mga awtoridad, nagsasagawa raw ng "lightning rally" ang mga ito kaya hinuli.
"Nag-overreact ‘yung PNP (Philippine National Police) eh. Hindi dapat inaresto dahil wala namang ginagawang masama 'yung mga kababayan natin,” pahayag ni Teodoro.
Ayon pa sa alkalde, ipinatutupad naman ng mga tao ang social distancing sa relief operation. Maaari din umanong napagkamalan ng mga pulis na nagdedemonstrasyon ang mga dinakip dahil sa hawak na placards para sa mass testing sa pamamagitan ng Marikina Molecular Diagnostic Laboratory.
"Maaaring may placards silang dala pero May 1 ngayon eh, bahagi ito ng pag-e-exercise nitong constitutional rights nila na freedom of expression,” ani Teodoro.
“Pinapahayag lang nila ang pangangailangan para sa free mass testing. Dahil ‘yung mahihirap ito naman talaga ang hinihingi, eh, ‘yung libreng mass testing para sa ganun alam nila kung positive or negative sila sa COVID-19,” dagdag niya.
Sinabi ni Teodoro na humingi sa kaniya ng pahintulot ang mga volunteer na magsagawa ng relief operation.
“Sinasabihan ko ngayon ang ating kapulisan na wala silang kasong maaaring isampa dun sa mga taong ito,” anang alkalde. “'Yung mga taong naroroon ay nagpaalam naman sa atin para magbigay ng relief operation at bahagi ito ng relief at humanitarian aid na ibinibigay natin dun sa mga komunidad.”
Sa hiwalay na post ni Karapatan secretary general Cristina Palabay, sinabi niya na 10 community volunteers, kabilang ang pitong jeepney driver, ang dinakip habang namamahagi ng food packs sa Barangay Industrial Valley Complex.
Mahigit isang buwan na umanong ginagawa ng mga volunteer sa grupong CURE COVID Marikina, ang pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangang residente ng lungsod.
"Instead of recognizing their efforts in reaching out to others in need, the police resorted to arresting them and charging them with fabricated cases," anang grupo.
Kabilang umano sa mga inaresto ayon kay Gabriela secretary general Jang Hernandez, ay tatlong volunteer teachers.
Sinabi naman ni Philippine National Police spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, nagsasagawa umano ng "lightning rally" ang sampung inaresto.
"Sana nag-coordinate in advance with LGU para nasamahan sila ng mga taga-LGU. Malinaw naman ang mga pronouncements ng DILG on such relief activities," saad ni Banac sa GMA News Online.
Pupunta naman umano sa Marikina si National Capital Region Police Office chief Police Major General Debold Sinas, para alamin ang sitwasyon kung dapat palayain ang mga inaresto.--FRJ, GMA News
