Arestado ang isang graphic artist sa San Juan City sa isang entrapment operation ng mga pulis noong Biyernes dahil sa pamemeke ng medical certificate at travel pass.
Iniulat ni Luisito Santos sa Dobol B sa News TV nitong Sabado ng umaga na ang suspek ay kinilalang si Angelito Benepayo, 42-anyos.
Graphic artist, arestado dahil sa pememeke ng health certificate at travel pass sa San Juan City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/uQoJaDodwX
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 22, 2020
Ayon sa mga tauhan ng San Juan City Police, ikinasa ang entrapment operation kasunod ng paglapit ng isang concerned citizen upang ikonsulta kung "authentic" ba ang kanyang nabiling medical certificate.
Ayon sa ulat, nagtatrabaho ang suspek sa isang cellphone service center sa loob ng Greenhills Shopping Center.
Ibinebenta umano ng suspek ang naturang mga dokumento ng P700 bawat isa.
Inaresto din umano ang isa pang tao nang harangin nito ang pag-aresto ng mga pulis sa suspek.
Narekober mula sa suspect ang isang laptop, printer at laminating machine na umano'y ginamit sa pamemeke ng dokumento.
Nahaharap naman ang suspek sa kasong forgery and falsification of documents, at ang isa pang hinuli ay nahaharap sa kasong obstruction of justice. —LBG/KG, GMA News
