Huli sa CCTV ang ginawang pananalisi ng isang lalaki sa kaniyang kapitbahay sa Pasay City, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.

Nakuha ng suspek ang wallet ng biktima nang malingat ito habanga nagpapa-load sa isang tindahan nitong Lunes.

Kita sa CCTV kung paano dahan-dahang lumapit ang lalaki sa biktima hanggang sa makuha ang wallet na nakalapag sa counter ng tindahan.

Agad na nag-report ang biktima sa barangay officials. Nakilala ang suspek matapos i-review ng mga ito ang kuha ng CCTV.

Ani Kagawad Reynaldo Kabigting ng Barangay 111, mismong ang ama ng suspek ang nagsabi na anak nga niya ang nakitang sumikwat ng wallet ng babae sa CCTV.

"Sabi ng tatay, 'Sige tuluyan niyo yan, ipakulong niyo yan'," dagdag pa ni Kabigting.

Hindi raw pumalag ang suspek nang puntahan ng barangay officials. Bagama't nabawi ang wallet at mga ID ng biktima, hindi na nakuha ang laman nitong pera na nagkakahalaga raw ng mahigit P7,000. —KBK, GMA News