Kaagad na ipina-cremate ang mga labi ng 14-anyos na binatilyo na pinagbabaril ng riding-in-tandem noong Martes ng gabi sa Maynila matapos na lumitaw na positibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng CCTV nang pagbabarilin ng mga salarin ang biktimang si DJ Cabilin habang nakaupo sa covered court ng Barangay 56 sa Tondo, Manila.

Isinugod sa ospital ang biktima at pumanaw nitong Miyerkules.

At kanina, nalaman ng pamilya ng biktima na nagpositibo rin ito sa COVID-19 kaya ipina-cremate agad.

Naghihinagpis ang ina ng biktima lalo pa't hindi pa nakauuwi ang kanilang padre de pamilya na nais umanong masulyapan sa huling pagkakataon ang kanilang anak.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nasa covered court ang biktima at ang pinsan nito para aregluhin ang reklamong pananaksak laban sa kaniya.

Sa video, makikita ang pagdating ng motosiklo na may sakay na dalawang lalaki.

Huminto ito at bumaba ang angkas at pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo.

Nasugatan din ang isa pang kasama ng biktima.

Samantala, kasama sa mga anggulong iimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang posibleng paghihiganti at iba pang nakaaway ng biktima.

“‘Yun ang titingnan namin. Papaano nakakuha ng impormasyon itong mga suspek na ‘yung bata, eh, nandoon nung mga oras na ‘yun,” ani Police Lieutenant Colonel Carlo Manuel, ang tagapagsalita ng MPD.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News