Iginiit ni Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command chief Lieutenant General Antonio Parlade na hindi niya sinabing miyembro ng New People's Army (NPA) ang aktres na si Angel Locsin.

"I never said that Angel Locsin is an NPA but ang statement niya ngayon, sinasabi niya ngayon hindi raw siya NPA. I never said that she is an NPA," paliwanag ni Parlade sa pagdinig ng Senate committee on national defense na pinamunuan ni Senador Ping Lacson tungkol sa umano'y "red-tagging."

Ikinatuwa ni Lacson ang pahayag ni Parlade dahil kaibigan umano ng kaniyang pamilya ang fiance ni Angel na si Neil Arce.

"Her fiance, si Neil Arce is a family friend and as a matter of fact 'pag kinasal 'yon kukunin akong ninong. So, I'm just making a disclosure... mabuti na 'yung kwentas klaras," anang senador.

"I'm just glad that you mentioned that she is not an NPA," dagdag pa ni Lacson.

Gayunman, nanindigan naman si Parlade na miyembro ng komunistang grupo ang kapatid ni Angel na si Ella Colmenares.

"Sana hindi na siya [Angel] magsinungaling na si Ella Colmenares ay hindi NPA dahil si Ella Colmenares ay talagang NPA," anang heneral.

"I know that she knows... We came here, we took an oath and we're not going to say any lies here," dagdag pa ng opisyal.

Una rito, itinanggi ni Angel na siya, ang kaniyang kapatid na si Ella at pinsan na si Atty. Neri Colmenares, ay bahagi ng NPA o anumang teroristang grupo.

Si Neri ay dating kongresista at kasalukuyang chairman ng grupong Bayan Muna.

Sa nakaraang social media post ni Parlade nang paalalahanan niya ang aktres na si Liza Soberano at Miss Universe 2018 Catriona Gray na huwag makipag-ugnayan sa women's rights group na Gabriela, binanggit ng heneral sina Angel, isang "Ka Ella," at si Neri.

Sa naturang pagdinig, itinanggi ng opisyal ang umano'y "red-tagging" sa ilang celebrity. --FRJ, GMA News