Nag-top sa 2020 Physician Licensure Exam kamakailan ang bagong doktor na si Jomel Lapides, na nag-top na rin noon sa 2011 Nursing Licensure Exam. Ano nga ba ang sikreto niya?

Sa "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabi ni Lapides na hindi niya inasahan na siya ang magta-top 1 sa Physician Licensure Exam ngayong taon.

Hangad lang daw ni Lapides na makapasok siya sa Top 10.

"Actually unexpected po na magta-top po ulit pero during my review po, ang goal ko po talaga and pinagpe-pray ko is at least sana makapasok ako doon sa Top 10. God has better plans pa tapos binigay Niya po sa akin ito. I was very grateful po," saad ng bagong doktor, na nagtrabahong nurse ng apat na taon.

READ: Two-time board topnotcher na si Lapides, anak ng construction worker; gf niya, pasado ring duktor

Natanong naman si Lapides kung paano niya pinaghandaan ang exam.

"Una po talaga, I try to acknowledge na mahirap talaga siya tapos very broad 'yung coverage ng exam. That's why ang mindset ko, sa final year, tulad po ng ginawa ko nu'ng nursing, sa final year ko, kahit pa-start pa lang po siya... I tried to read on the topics na po kasi ang tendency po nakalimutan na natin 'yung mga first few years ng education. I tried to recall na po," sabi ni Lapides.

Nakatulong naman ang pagiging Registered Nurse ni Lapides dahil pamilyar na siya sa medical terms at procedures.

At dahil naghahanda para sa 2020 PLE, working student si Lapides bilang staff nurse sa Philippine General Hospital.

"I think siguro po dahil very limited lang po talaga 'yung time ko, that's why 'yung schedule na ginagawa ko, talagang nag-stick po talaga ako doon tapos I tried to maximize, focus po doon sa time na alloted kasi I have no other choice po eh," saad niya.

Pumasa rin bilang doktor ang kaniyang nobyang si Baby Lyn Ann Tanalgo sa 2020 PLE.

"Sort of bonding na namin 'pag after ng duty, lalabas tapos study out na rin po siya. Kaya parang two in one na po," kuwento ni Lapides, na nag-apply na ng residency training sa PGH para mag-specialize sa ophthalmology.--Jamil Santos/FRJ, GMA News