Arestado ang isang murder suspect sa Sta. Cruz, Maynila matapos siyang masita dahil sa hindi pagsusuot ng face mask, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Huwebes.

Kinilala ang suspek na si Anthony Irinco, na nahulihan din ng patalim.

Matapos masita dahil sa hindi pagsusuot ng face mask, napag-alamang suspek si Irinco sa pagpatay sa kaniyang katrabahong panadero sa Valenzuela.

Ayon naman kay Irinco, hindi siya kundi ang isa pa nilang katrabahong nagngangalang Ryan ang sumaksak sa biktima. Dati na raw may alitan si Ryan at ang biktima.

Dagdag pa ni Irinco, hindi siya nakapagsumbong sa mga pulis dahil hindi niya alam ang gagawin matapos maganap ang krimen.  —KBK, GMA News