Pabor umano ang mga alkalde sa Metro Manila na ipagbawal ang lahat ng uri ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon, ayon sa hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni NCRPO chief Police Brigadier General Vicente Danao na nagpasa ng resolusyon ang Metro Manila mayors para ipatupad ang ban sa paputok.

“Definitely, ang all forms and all kinds ng firecrackers po within Metro Manila is absolutely banned. Siguro except po ‘yong papayagan ng LGUs na pyrotechnics na it should be placed in a safe area with an ambulance, with a Bureau of Fire, to protect,” ayon kay Danao.

“So depende po sa LGU ‘yong pyrotechnics ang puwede nilang payagan,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Debold Sinas na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng naturang resolusyon ng mga alkalde ng Metro Manila.

“Hinihintay pa namin ‘yong final resolution, ordinance or guidelines kung bakit talaga total firecracker ban but if there are ordinances ng kaniya-kaniyang munisipyo or final directive na total talaga na bawal na magbenta, mag-possess ay huhulihin po talaga ‘yon,” ayon kay Sinas.

“Lahat po ‘yan ay ipapasara natin ‘yong mga nagbebenta at lahat ng may hawak ay ire-recover natin at huhulihin natin sila,” sabi pa ng opisyal.

Una rito, sinabi Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng ipagbawal niya ang paputok sa buong bansa sa susunod na taon.--FRJ, GMA News