Naging madugo ang umano’y nais na pagbawi ng isang lalaki sa perang ibinayad niya sa ilegal na droga sa La Paz, Iloilo City. Nauwi ito sa paluan ng kahoy at pananaksak ng dalawang pamilya na ikinasawi ng isang ama at dalawa niyang anak, habang isa naman ang nalagas mula sa katunggali nilang pamilya.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, ipinakita ang video footage habang may kumpulan at pag-uusap ng ilang lalaki sa labas ng bahay sa Barangay San Isidro noong gabi ng Marso 21, 2026.
Hindi nagtagal, tila nagkaroon na ng mainit na pagtatalo, na sinundan ng paglabas mula sa loob ng bahay ng isang lalaki na may hawak na kahoy, at hinataw na ng palo ang mga kaaway nito.
Isang lalaki naman ang dumating na tila may dalang patalim at inundayan ng saksak ang isa namang lalaki.
Nang humupa ang gulo, naiwang kahandusay ang ilang biktima. Dinala sila sa ospital pero binawian ng buhay ang apat sa kanila.
Kinilala ang mag-aamang nasawi na sina Johnny Provido, Sr. 67-anyos, at mga anak niyang sina Joven at Johnny Jr.
Nasawi naman sa kabilang pamilya si Tyrone Muya, 33-anyos. Sugatan ang kaniyang mga kapatid na sina Gilbert at Glenn Mark Muya.
Inaalam ng awtoridad kung may kinalaman ang ilegal na droga sa nagyaring malagim na krimen.
Base kasi sa paunang impormasyon, nais umano ng nasawing si Johnny Jr. na nabawi ang P1,500 na ibinayad nito sa ilegal na droga sa isang alias “Badoy,” na sinasabi namang asawa ng isang babae mula sa pamilya Muya.
Pilit umanong tinatanong ni Johnny Jr. sa nasawi ring si Tyrone kung nasaan si Badoy na humantong na sa mainit na pagtatalo hanggang sa umabot sa malagim na krimen.
Lumalabas umano sa nadamay lang sa gulo ang nakatatandang Johnny Sr. na umaawat sa dalawa niyang anak.
Naka-hospital arrest naman ang magkapatid na Muya na sugatan.
Inihahanda naman ng pulisya ang kaukulang kaso na isasampa ng magkabilang panig sa isa’t isa, at ang pagsisiyasat kung sino ang umano’y sangkot sa ilegal na droga. – FRJ GMA Integrated News

