Apat na drug suspects, kabilang ang dalawa umanong drug lord sa Central Visayas, ang napatay ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Barangay Sta. Ana, Taguig City nitong Lunes.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA news "24 Oras," sinabing nangyari ang transaksiyon na nauwi sa engkuwentro sa C6 Road kaninang madaling araw.
Nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya nagpaputok ang mga ito ng baril. Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad na dahilan sa pagkakapatay sa mga suspek.
Nakita sa sasakyan ng mga suspek ang mga armas, at dalawang malaking bag na naglalaman ng mga shabu na nakalagay sa tea bag.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director Police Brigadier General Vicente Danao, aabot sa 40 kilos ang nasabat na shabu na may street value na P280 milyon.
Kabilang sa dalawang napatay na suspek ay sina Christopher Ocarol at Alan Catalan, na umano'y mga drug lord sa Central Visayas.
Dati na raw nakulong ang dalawa sa New Bilibid Prison at Cebu Jail.
Aalamin naman ang koneksiyon ng grupo sa isa sa mga drug lord na nakadetine ngayon sa NBP.--FRJ, GMA News

