Nasawi ang isang nakamotorsiklo matapos na pumailalim at magulungan ng isang truck sa tinaguriang "killer highway" na Commonwealth Avenue, Quezon City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente 11 p.m. ng Lunes sa east-bound ng naturang highway na madalas ang sakuna.
Dead on the spot ang rider at nasira ang kaniyang motorsiklo dahil sa insidente.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad.
"Gumewang tapos um-ano doon sa gilid ng truck, na-shoot sa ilalim kaya nakaladkad siya," sabi ni Arnuldo Picardal ng Quezon City Task Force Disiplina.
Depensa ng truck driver, aksidente ang nangyari dahil hindi niya nakita ang motorsiklo at hindi rin mabilis ang kaniyang takbo.
"Hindi ko ho nabangga 'yan. Kaya ko lang po nalaman, nagbusinahan 'yung mga motor doon sa gilid tapos 'Bakit kako nalubak?' Nu'ng tingnan ko, bakit may helmet? Ayun na nakita ko nandiyan na 'yan," sabi ni Darwin Barilla, truck driver.
Sinabi ng mga awtoridad na madalas mangyari ang mga aksidente sa bahaging iyon ng Commonwealth Avenue lalo sa nabanggit na oras.--Jamil Santos/FRJ, GMA News

