Muling nabuhay ang usapin ng pagbabalik ng parusang kamatayan matapos ang karumal-dumal na pagpatay ng isang pulis sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Linggo.

Ayon kay  Senador Ronald "Bato" Dela Rosa, maaaring maparusahan ng kamatayan si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca dahil sa pagbaril sa mag-inang Sonya Rufino Gregorio at Frank Anthony kung inaprubahan ng Kongreso ang pagbabalik ng death penalty law.

"Ayaw nila ng death penalty eh! 'Yung ginawa ng pulis na cold-blooded killing is double murder and a heinous crime na dapat ang parusa ay death penalty pero hanggang ngayon hirap na hirap pa ring umusad 'yung in-author kong death penalty bill," ayon kay Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police.

Naniniwala ang senador na makatutulong ang pagbabalik ng capital punishment para magdalawang-isip ang mga gagawa ng karumal-dumal na krimen.

"Sino pa ang gustong pumatay ng tao kung alam niyang papatayin din siya via death penalty?" katwiran ni Dela Rosa.

Una na rin nagpahayag ng pagpabor si Senador Bong Revilla na ibalik ang parusang kamatay dahil sa sinapit ng mag-ina sa Tarlac.

Pero para kay Sen. Joel Villanueva, susuportahan lang niya ang pagbabalik ng parusang kamatayan kung makikita niyang maayos na ang sistema ng hustiya sa bansa.

Bukas naman si Senate President Vicente Sotto III, na ibalik ang parusang kamatayan pero para lang sa mga high-level drug trafficker.

Ang Malacañang, ipinapaubaya na sa Kongreso ang pagtalakay sa pagbabalik ng death penalty.

“Ang pagpapasa po ng death penalty, ‘pag bubuhayin po ay sa mula’t mula prayoridad ng ating Presidente pero nakasalalay po ang mangyayari diyan sa batas na iyan sa kamay siyempre ng mga mambabatas ng Mababang Kapulungan at ng ating Senado,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque.

Pinawalang-bisa ang parusang kamatayan noong 2006 sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. — FRJ, GMA News