Siksikan ang mga tao at naging mabigat ang daloy ng trapiko sa Divisoria sa Maynila, tatlong araw bago mag-Pasko.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing sinakop na ng mga nakaparadang sasakyan at mga vendor ang ilang lanes ng mga kalsada, at ng mga pampasaherong sasakyan na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero.
Hinihigpitan ng pulisya ang kalye ng Ilaya kung saan tabi-tabi ang mga stall ng iba't ibang paninda.
Naglagay na ng tali ang mga awtoridad sa gitna ng kalsada para mapaghiwalay ang mga palayo at papunta sa direksyon ng Recto.
Sa kabila nito, hindi pa rin maiwasan na magdidikit-dikit ang mga tao.
Pitumpung miyembro ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force ang itinalaga sa buong Divisoria, para madagdagan ang mga dati nang nagbabantay na mga pulis-Maynila.
Sinisita ng mga pulis ang mga sumusuway sa health and safety protocols tulad ng nakataas ang face shield.
Paulit-ulit rin ang mga mega phone ng mga taga-Barangay 269 na magsuot ng face mask at face shield at mag-physical distancing bilang paalala.
Nagkalat din ang mga sign sa health protocols pati kung saan dapat maglakad.
Ayon naman sa ilang mamimili, hindi sila takot makipagsiksikan.
"Hindi naman, naligo ako ng alcohol," sabi ng isang mamimili.--Jamil Santos/FRJ, GMA News

