Patay ang isang tricycle driver sa Bagong Silang, Caloocan City matapos itong pagbabarilin ng mga salaring magkaangkas sa motorsiklo.

Sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Mark Angelo Mamait, na pinagbabaril bago maghatinggabi ng Miyerkules.

Ayon sa mga nakasaksi, apat na beses na pinaputukan ang biktima sa may Langit Road, Barangay 176.

Kuwento ng isang saksi, kakain dapat ng mami ang biktima matapos maghatid ng pasahero.

Nakatakip umano ang mga mukha ng mga salarin kaya hindi namukhaan.

Pahayag ng ina ng biktima, hindi niya alam ang dahilan kung bakit pinatay ang anak niya. Wala naman umano silang alam na kaaway nito.

Iniimbestinahan pa ng mga awtoridad ang krimen. —LBG, GMA News