Dalawang babae na umano'y sangkot sa ilegal na droga ang patay matapos pagbabarilin habang sakay ng motorsiklo sa Parañaque City.

Sa ulat ni  Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa Daffodil St., sa Barangay Sun Valley dakong 9:00 am.

ADVERTISEMENT

Wala pang pagkakakilanlan ang dalawang babae pero may impormasyon daw ang barangay na nagsasabing kalalabas lang ng kulungan ang mga biktima.

Hindi naman kinumpirma ng pulisya kung bagong laya lang ang mga biktima pero base umano sa mga pahayag ng ilang residente at sa kanilang intel information, sangkot ang dalawang babae sa ilegal na droga.

Anim na basyo ng bala ng baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang salarin.--FRJ, GMA News