Tiniyak ni dating Pangulong Joseph Estrada na maayos ang kaniyang kalagayan habang nagpapagaling matapos tamaan ng COVID-19.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang video ni Estrada habang nakaupo sa gilid ng kama ng ospital kung saan siya dinala.

Nakakapagsalita ang dating pangulo pero kapansin-pansin na bahagya siyang nahihirapan sa paghinga.

Mayroon siyang nasal cannula, isang apparatus para tulungan ang pasyente na makahinga nang maayos.

Mayroon ding IV line sa kaniyang kamay.

“Magandang hapon mga kababayan. Maraming salamat sa inyong mga dasal at ako ay nasa maayos na kalagayan. Huwag kayong mag-alala. Malakas ako. Kayo mag-ingat din. Kayo mag-stay healthy din,” pahayag ni Estrada.

Dinala sa ospital si Estrada nitong Linggo matapos na bumaba ang kaniyang oxygen level.

Bukod sa COVID-19, nagkaroon din ng pneumonia ang dating pangulo.

Sinabing sumailalim na si Estrada sa convalescent plasma transfusion. 

Ang plasma ay mula sa mga taong gumaling na sa COVID-19 at isinasalim sa pasyente upang magkaroon sila antibodies na panlaban sa virus. --FRJ, GMA News