Patay ang isang lalaking nagmomotorsiklo matapos siyang barilin sa ulo ng riding in tandem na tumapat sa kaniya habang umaarangkada sa Tondo, Manila. Nangyari ang krimen habang angkas ng biktima ang kaniyang asawa.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay 270 sa kanto ng Solis, nang dikitan ng riding in tandem dakong 8:30 pm nitong Huwebes ang umaarangkandang motorsiklo ng biktima.

Nang matapatan na ng mga salarin ang 64-anyos na biktima, binaril nila ito na dahilan para matumba ang motorsiklo ng mag-asawa.

Kaagad na nasawi ang rider na nagtamo ng tama ng bala sa ulo habang nakaligtas naman ang kaniyang asawa.

"Wala akong alam na kaaway niya. Kaya nagtataka ako bakit ganun," umiiyak na sabi ng ginang.

Nangyari ang krimen sa tapat lang ng barangay hall.

Tatlong basyo ng bala na mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa crime scene.

Nakiusap naman ang pamilya ng biktima na huwag nang banggitan ang pangalan ng mag-asawa para na rin sa kanilang seguridad.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News