Dinagsa ng mga tao ang isang lamay sa likod lamang ng isang barangay hall sa Tondo, Maynila, na may mga nag-inuman pa na labag sa COVID-19 health protocols. Ang barangay kagawad, nahiya raw na sitahin ang mga tao.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita ang pahirapan sa pagsunod sa physical distancing dahil sa dami ng mga tao sa covered court ng Barangay 95 pasado 12 ng hatinggabi.
Nabawasan lamang sila nang makita na ang mga pulis at nagpulasan. Pero naiwan nila ang mga bote ng alak.
Dahil may mga pagkain at inuming alak, inaasahan na may mga nagtanggal ng face mask sa ilang nakipaglamay.
Namataan din ang ilang menor de edad sa lamay na nakasilong sa covered court.
"Noong una po nababantayan namin sila, pero nito pong huling gabi, kumain lang kami, dumami na ng ganiyan. Hindi ko po alam na magkakaganiyan 'yan," sabi ni Kagawad Edgardo Feliciano ng Brgy. 95.
Sa ilalim ng General Community Quarantine with heightened restrictions, pinapayagan ang mga lamay pero hanggang 10 porsyento lamang ng venue capacity ang bilang ng mga dadalo.
Paliwanag ng barangay, huling lamay na nitong Martes ng gabi kaya dumagsa ang mga tao.
Dagdag ni Feliciano, mga taga-ibang barangay ang mga dumalo.
"Hindi po namin mapigil sir, nahiya rin po ako eh," sabi ni Feliciano.
Pinauwi ng pulisya ang mga tao sa lamay at pinaalalahanan silang sumunod sa health protocols. Pinayagan na lamang manatili ang mga malalapit na kamag-anak.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
