Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang tangkaing pagnakawan ang isang branch ng bangko sa Caloocan City.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Mark Joseph Lumeda.

Ayon sa ulat, tumunog ang alarma ng bangko na konektado sa estasyon ng pulis, dahilan upang maalerto ang mga awtoridad.

Pinasok ng mga pulis ang establisyimento sa tulong ng mga kinatawan ng bangko at ng mga security agency at nahuli ang suspek.

Umamin ang suspek sa tangka niyang pagnanakaw.

Sinisikap pa ng GMA News na kunan ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng bangko. —Jamil Santos/LBG, GMA News