Arestado ang isang lalaking dayuhan matapos siyang maghubad ng mga damit, tumalon pababa ng platform at tumakbo sa riles ng MRT-3 sa Boni Station nitong Huwebes.

Sa pahayag ni Assistant Secretary Eymard Eje, OIC General Manager ng MRT-3, iniinspeksiyon ng mga security personnel ang foreigner nang bigla na lamang siyang maghubad, saka tumakbo at tumalon pababa sa mga riles papunta ng Shaw Boulevard station bandang 5:35 ng umaga.

Hinabol ang lalaki ng apat na station security personnel sa Boni habang inalerto rin ang mga security personnel sa Shaw Boulevard station.

Nahuli ang lalaki bandang 5:42 a.m. at ibinalik sa Boni Station para sa karagdagang imbestigasyon.

Base sa pahayag, dinala na ang dayuhan sa Mandaluyong Police Station upang imbestigahan. 

Sasampahan ng reklamong alarms and scandal ang pasahero. —LBG, GMA News