Nagbitiw sa puwesto si Emmanuel Piñol bilang chairman ng Mindanao Development Authority (MinDA) nitong Lunes. Umalis din siya sa PDP-Laban bilang paghahanda sa pagtakbo niya bilang senador sa Eleksyon 2022.

Sa Facebook post, sinabi ni Piñol na isinumite niya ang kaniyang resignation letter nitong nakaraang linggo at magiging epektibo sa Oktubre 5.

"Does my resignation and decision to run for a Senate seat outside of the party of President Duterte mean that I am parting ways with him or I am turning my back on him? No, never," paglilinaw niya.

"Masyadong malalim ang personal ko na relasyon sa Pangulo," dagdag ni Piñol na sinabing nitong si Duterte ng dalawa niyang anak.

"Sa mga nagtatatanong kung bakit hindi daw po ako kasama sa ticket ng administrasyon, 'yan ay dapat sagutin ng grupo ni Sec. Alfonso Cusi na siyang nagpalabas ng mga pangalan ng kanilang mga kandidato sa pagka-Senador," dagdag niya.

Dati ring naging kalihim ng Department of Agriculture si Piñol mula June 2016 hanggang August 2019.

"Ngayon at nagdesisyon na ang Pangulo na hindi na tatakbo sa politika, mas lalong lumuwag ang dibdib ko sapagka't sa tingin ko malaya na akong ipagpatuloy ang mga adbokasiya ko sa Agriculture," pahayag ni Piñol.

Bukod kay Piñol, inihayag din ni Secretary Mark Villar nitong Lunes na hanggang sa Martes na lang ang panunungkulan niya bilang pinuno ng Department of Public Works and Highways.

Hindi binanggit ni Villar ang dahilan ng kaniyang pagbibitiw pero kabilang siya sa mga binabanggit na pangalan na makakasama sa senatorial slate ng administrasyon.— FRJ, GMA News