Isang presidential aspirant sa Eleksyon 2022 ang wala umanong nagawa sa bayan at gumagamit pa ng ilegal na drogang cocaine, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaniyang talumpati sa pulong ng national and regional task force to end local communist armed conflict sa Mindoro, sinabi pa ni Duterte na ginagamit lang ng naturang kandidato ang pangalan ng ama.

"There is even a presidential candidate na nag-cocaine. May kandidato tayo na nagko-cocaine 'yan. 'Yung anak ng mayaman. Kaya nga nagtataka ako. Anong nagawa ng tao na yan?" ayon sa pangulo na walang pangalan na binanggit.

"I am just asking what contribution has he made para sa Pilipinas? 'Yan lang ang gusto kong tanungin," dagdag niya.

Hindi umano alam ng publiko ang tunay na pagkatao ng pinapasaringan niyang kandidato.

"Nagtataka ako sa Pilipino, di ako naiinggit, pulitika naman, may manalo, may matalo. Ganu'n rin ako noon, kung walang swerte, wala.  Pero itong fascination nila sa itong kandidato na to, baka hindi talaga nila alam," ani Duterte.

Babala niya, "very weak leader" ang naturang kandidato.

"Inyo 'yan. Ang akin lang pagdating ng panahon,  basta sinabi ko sa inyo. And he is a very weak leader ang character niyan," ani Duterte.

"Except for the name. Ang tatay. Pero siya? Anong ginawa niya? He might win hands down, okay. If that's what the Filipino wants, go ahead. Basta alam ninyo," patuloy niya.

Una rito, nagpahayag ng suporta si Duterte sa kaniyang longtime aide na si presidential aspirant Sen. Christopher Lawrence "Bong" Go.

Ang iba pang aspiranteng tatakbo sa pagkapangulo ay sina Vice President Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno, dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., labor leader Leody De Guzman, at Army General Antonio Parlade Jr. --FRJ, GMA News