Sa tent na nasa kalsada at nagmistulang extension ng Ospital ng Sampaloc sa Maynila nanganak ang isang ginang na dalawang beses na umanong tinanggihan ng mga ospital dahil punuan na.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng mister ng ginang na positibo rin daw sa COVID-19 ang kaniyang asawa dahil sa sintomas ng sipon at ubo.
“Tinanggihan po siya dahil ano po puno po yung sa may paanakan po, kahit sa loob o sa labas [ng ospital] basta may paanakan po siya okay na po yun,” ayon sa mister.
Dahil sa positibo sa antigen testing sa COVID-19, sa labas na ng ospital sa tent pinaanak ang ginang.
Paliwanag ng pamunuan ng Ospital ng Sampaloc, hindi nila maaaring ihalo sa ibang pasyente ang pasyenteng may sintomas ng COVID-19.
“Alam natin na may symptoms, definitely hindi natin ihahalo (sa ibang pasyente) ‘pag manganganak na,” paliwanag ni Edgardo Marcelo, information officer ng Ospital ng Sampaloc.
“Dahil ang iisipin natin is paano ‘yung mga patients na non-COVID? Hindi naman natin puwedeng i-prioritize ang testing kaagad eh nandiyan na, lalabas na halimbawa ‘yung bata,” dagdag.
Sinabi rin ni Marcelo na mayroon silang 26 na pasyente na positibo sa COVID-19 at 33-bed capacity lang ang kanilang operasyon.
Nitong nakalipas na mga araw, biglang tumaas ang bilang ng mga pasyenteng dinadala sa mga ospital sa Metro Manila. Ilang ospital din ang pansamantalang tumigil sa operasyon dahil nahawahan ang ilan nilang tauhan.
Nitong Martes, nakapagtala ng 5,434 na mga bagong kaso ng COVID-19, na ang malaking bahagi ay galing sa Metro Manila.