Huling-huli sa CCTV camera ang pagsugod ng isang lalaki at ambang hahambalusin ng hawak niyang baseball bat ang isang magpinsan na naglalakad lang sa Quezon City.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Linggo, sinabing nangyari ang insidente nitong Sabado ng hapon sa Roosevelt Avenue na papunta sa isang mall.

Habang naglalakad ang magpinsan sa bangketa, biglang sumulpot ang lalaking may hawak ng basball bat.

Pasugod na lumapit ang lalaki at nakaambang ipapalo sa magpinsan ang hawak na pamalo.

Napatakbo ang pinsang lalaki at kumuha ng bato habang tila hindi na nakakilos ang babaeng kasama niya.

Nang papaalis na ang lalaking may hawak ng baseball bat, nilapitan pa niya ang isang lalaking sakay ng motorsiklo at inambaan din na hahatawin ng baseball bat pero hindi rin niya itinuloy.

Sa panayam sa magpinsan, sinabi nilang nagmumura ang lalaking may hawak ng pamalo.

Hindi malaman ng magpinsan kung ano ang kanilang ginawa na ikinagalit ng lalaki, at daanan naman daw talaga ng tao ang bangketa na kanilang dinaanan.

Inaalam pa ang pagkakakilan ng lalaking may hawak ng pamalo at naireport na raw ang insidente sa mga awtoridad.

Nag-iisip naman ang magpinsan na magsampa ng reklamo laban sa lalaki, habang sinusubukan pang makuha ang panig ng pulisya at barangay na nakasasakop sa lugar.--FRJ, GMA News