Nilinaw ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring palitan ang isang kandidatong madidiskuwalipika bago ang halalan.

Ito ang ipinaliwanag ni Comelec Senior Commissioner Rowena Guanzon, kaugnay sa ginawang pagbasura ng Comelec Second Division ang petisyon na kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. para sa Eleksyon 2022 dahil sa kawalan ng merito.

“Yung petitioners, ayon sa Second Division resolution, nagkamali po sila dahil dapat yung ground lamang nila sa cancellation isa lang, that Marcos made a false representation sa COC kung kaya dapat ikansela ang kanyang COC,” sabi ni Guanzon sa Facebook Live.

Ang nabasurang petisyon ay isa lamang sa mga inihaing petisyon laban sa kandidatura ni Marcos.

Katunayan, may nakabinbin na disqualification case laban kay Marcos sa Comelec First Division, na miyembro si Guanzon, kasama sina Commissioners Marlon Casquejo at Aimee Ferolino-Ampoloquio.

Ayon kay Guanzon, ang cancellation case ay iba sa disqualification case. Sa disqualification case, maaari umanong palitan ang nadiskuwalipikang kandidato.

Pero ang kailangan na pumalit sa kaniya ay kaapelido niya at kapartido.

“Anong resulta kapag nakansela ang COC? Ibig sabihin sa simula pa lang dapat invalid or void ang kanyang COC, ibig sabihin parang wala siyang na-file na COC. Ang ibig sabihin po ng cancellation ang resulta po niyan hindi po siya puwedeng makapag-substitute,” paliwanag ni Guanzon.

“Ano po ang kaibahan niyan sa doon po sa disqualification na hawak namin? Ang resulta po 'pag siya ay na-disqualified ay puwede siyang mag-substitute basta kapartido niya at magkapareho ng apelyido. Hindi po kailangang magkamag-anak sila basta magkaapilyedo po sila at pareho sila ng political party,” patuloy niya.

Sinabi rin ni Guanzon na maaaring gawing ang pagpapalit sa nadiskuwalipikang kandidato "before noon of Election Day."

Inihayag din ni Guanzon na ang desisyon ng Comelec Division ay maaaring iapela sa Comelec En Banc, at sa Korte Suprema na siyang may huling desisyon sa tinatalakay na petisyon.

“Puwede pa pong umapela ang mga natalo sa aming Commission En Banc. Mula po sa Commission En Banc ang partido na hindi sang-ayon sa aming desisyon ay maaring umakyat po sa Korte Suprema doon po talaga ang final na desisyon sa mga issue na ito,” ayon kay Guanzon.

—FRJ, GMA News