Iisang baril lang ang ginamit ng salarin sa tatlong tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na kabilang sa mga tinambangan mula pa noong nakaraang Disyembre, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na ang insidente ng pamamaril na iisang baril lang ang ginamit ay naganap noong nakaraang Enero 7, Enero 14, at Pebrero 11.

READ:  IT employee ng BOC, patay matapos barilin sa kaniyang sasakyan sa Maynila

ADVERTISEMENT

“Doon sa insidente sa January 7, January 14, and February 11, based po doon sa crossmatching natin ay iisa yung baril na ginamit, 9 mm. Nag-match yung mga nakuha nating fired cartridge cases,” paliwanag ni Fajardo.

Ayon kay Fajardo, anim na ang tauhan ng BOC na pinuntirya mula noong Disyembre at ilan sa mga biktima ang nasawi.

Mayroon ding dalawang insidente ng paghahagis ng granada sa Customs ang naiulat.

Idinagdag ng opisyal na naisampa na ang kasong murder at possession of firearms laban sa isang suspek na bumaril at nakapatay  sa isang biktima noong Enero.

Sinabi ni Fajardo na nakita ang suspek na gumagala sa paligid ng Customs habang may dalang baril noong Pebrero.

Idinagdag ni Fajardo na lumilitaw din na ang baril na ginamit sa pamamaril sa isang abogado ng BOC noong Disyembre ay konektado rin sa isang shooting incident na nangyari sa Rizal.

Kamakailan lang, isa pang abogado ng BOC ang nasugatan nang tambangan siya ng riding in tandem sa Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay City.--FRJ, GMA News