Matapos ang karampot na oil price rollback noong nakaraang linggo, isa na namang malakihang oil price increase ang papasanin ng mga motorista at mga tsuper sa Martes.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. sinabi nito na nasa P4.20 per liter ang madadagdag sa presyo ng gasolina at diesel, at P5.85/L naman sa kerosene.
Kaparehong halaga rin umano ang ipatutupad ng Cleanfuel sa kanilang produktong petrolyo maliban sa korosene na wala sila.
Magsisimula ang taas-presyo ng 6 a.m. sa Tuesday, May 10. Dakong 8:01 a.m. naman ipatutupad ng Cleanfuel ang kanilang price adjustment.
Noong nakaraang linggo, nagkaroon ng tapyas sa presyo ng gasolina na P0.65/L, habang P1.15/L sa diesel, at P1.15/L sa kerosene.
Ang sigalot pa rin ng Russia at Ukraine, at pagluluwag sa COVID-19 restrictions sa iba't ibang bahagi ng mundo, ang itinuturong dahilan ng Department of Energy (DOE) sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Hanggang nitong May 3, 2022 pa lamang, nakasaad sa datos ng DOE na P17.80 per liter na ang itinaas sa presyo ng gasolina, P30.30 per liter sa diesel, at P23.90 per liter sa kerosene.—FRJ, GMA News

