Arestado ang isang lalaki sa Navotas City na may video ng pagbatak niya ng droga na naka-post sa social media noon pang nakaraang taon. Nasabat din ang mahigit P300,000 halaga ng shabu mula sa kaniya at kaniyang kasamahan.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa isang video noong Disyembre 2021 ang tila pagmamalaki pa ng mga suspek na sina Johnny Villanueva at Mark Anthony Hererias ng kanilang pagbatak ng droga.
Pinost ni Villanueva ang video sa social media, hanggang sa madakip si Villanueva ng Navotas PNP noong nakaraang taon. Napunta naman sa Navotas Police ang video.
Nitong Mayo 29, nagkasa ng buy-bust operation ang Navotas Police para arestuhin ang target nilang si Jasper Pascual, alyas "Totot."
Pero hindi nila inasahang mahuhuli na rin nila ang kasamahan ni Villanueva sa video na si Hererias.
"Ang interpretation namin is parang online selling nila na nagko-convince sila ng ibang user na bumili sa kanila at gumamit din po ng illegal drugs," sabi ni Police Colonel Dexter Ollaging, chief ng Navotas PNP.
Higit anim na buwang minanmanan ng pulisya ang dalawang suspek, kung saan agad nilang nakumpirma ang pagkakakilanlan ni Hererias dahil sa suot niyang face mask.
"Noong kinompare namin doon sa video ni Johnny Villanueva na sinasabi niya na kasama niya si Mark Anthony Hererias, nagkataon na parehas na parehas 'yung face mask niya at saka 'yung face mask niya noong nahuli namin siya," dagdag ni Ollaging.
Umamin ang mga salarin sa mga paratang laban sa kanila.
Tinanong si Hererias kung bakit nag-video pa sila habang bumabatak.
"Wala lang po, hindi ko po alam na ipo-post niya po 'yun. Hindi po ako ang nagpo-post nu'n, 'yung kasama ko pong si Johnny Villanueva po," ani Hererias.
Nagawa naman ni Pascual na magbenta ng droga dahil sa kahirapan.
Nakuha sa mga suspek ang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P374,000 ang halaga.
Nakuha rin sa kanila ang isang .22 caliber na baril.
Sasampahan ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act and illegal possession of firearms and live ammunition in relation to the Omnibus Election Code. —Jamil Santos/VBL, GMA News
