Tinakbuhan matapos banggain at sagasaan pa ng SUV ang isang security guard na nagmamando ng trapiko sa Mandaluyong City, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Christian Joseph Floralde na kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital.

Naganap ang insidente bandang 4 p.m. nitong Linggo sa intersection ng Julio Vargas Avenue at St. Francis Street sa Mandaluyong.

Sa kuha ng dashcam, makikitang pinahinto ni Floralde ang isang puting SUV ngunit sa halip na huminto ay tinumbok siya nito.

Kita rin na sa halip na bumaba ang driver ng SUV ay sinagasaan pa nito ang nakahandusay na biktima.

Kuwento ng may-ari ng dashcam video, hinabol ng ilang enforcer ang SUV ngunit hindi ito inabutan.

Ayon naman sa kinakasama ng biktima na si Arceli Flores, nahihirapan huminga si Floralde dahil sa pinsalang tinamo sa gitnang bahagi ng kaniyang katawan.

Ayon naman sa Mandaluyong Police, alam na nila ang plate number ng nakasagasang SUV.

"The Guard was hit by a White Toyota RAV 4 with plate number NCO 3781, which is now under verification to LTO (Land Transportation Office) in order to identify the owner and driver during the incident," sabi nito. —KBK, GMA News