Arestado ang isang lalaki na suspek umano sa pagtangay ng mga sasakyan na kaniyang nirirentahan, matapos siyang mamukhaan ng kaniyang bibiktimahin.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita na nagsidatingan ang iba pang nabiktima sa "rentangay" modus ng suspek para magreklamo sa Quezon City Police District (QCPD) Station 6.

Kinilala ang suspek na si Bryan Malto Geonzon, 37-anyos, na nadakip nitong Martes ng gabi sa sa may sa Commonwealth Avenue.

Ayon sa lalaking may-ari ng sasakyan, nakipagkomunikasyon sa kaniya ang suspek online nitong Martes upang rentahan ang kaniyang AUV ng dalawang araw sa halagang P8,000.

"Nakita ko 'yung ID, tiningnan ko 'yung lalaki, magkaiba ng mukha kaya naghinala ako. Tapos noong nakita ko 'yung lalaki, may naka-save na picture sa Facebook sa cellphone ko 'yung lalaki. Nakita ko sa Facebook na siya 'yung nangangarnap ng sasakyan," sabi ng lalaking may-ari ng sasakyan.

Dahil dito, humingi na ng tulong ang biktima sa mga pulisya, at agad na dinala sa estasyon ng pulisya ang suspek.

ADVERTISEMENT

"Noong tsinek natin sa warrant natin, meron siyang dalawang standing warrant na kaugnay din sa modus nila. Agad nating inaresto at ipinagbigay-alam doon sa mga complainant para makapagbigay din sila ng mga detalye sa kaso na finile nila," sabi ni Police Major Kenneth Leaño, Deputy Station Commander ng QCPD Station 6.

Ang isang babaeng biktima na lumantad din, ikinuwento na Marso 16 nang magkatransaksiyon sila online ng suspek para rentahan ang sasakyan niya sa halagang P1,500.

Humingi pa ng dalawang araw na extension ang suspek, hanggang sa umabot na ito ng ilang linggo. Pero hindi na magawang maibalik ng suspek ang sasakyan.

Naging pasakit ito sa may-ari dahil hinuhulugan pa niya ang sasakyan.

"Ang dami niyang reason, ganito ganiyan. 'Nasa Nueva Ecija po ako ngayon. Hindi ko na maibalik 'yung sasakyan dahil nandito po ako ngayon sa Nueva Ecija.' Kinabahan ako kasi hindi na siya ma-contact sa Facebook, hindi na siya active," sabi ng babaeng biktima.

Marso 28 din nang rentahan ni Geonzon ang asul na kotse ni Vernaliza Garcia sa loob ng dalawang araw sa halagang P6,000.

Nag-extend din ang suspek, hanggang sa hindi na nagbayad.

"Noong sinabi ko sa kaniyang kukunin na 'yung sasakyan namin, April 1, 6 p.m., pinutol nila 'yung GPS ng sasakyan namin, so doon na kami naalarma na intentional 'yung pag-alis ng GPS," sabi ng biktimang si Garcia.

Nabawi naman ni Garcia ang kanilang sasakyan matapos ang 16 na araw, ngunit naibenta na ito sa halagang P430,000 sa Isabela.

Ayon sa suspek, napag-utusan lamang siya na i-drive ang mga sasakyan.

"'Yung iba pong ano diyan, naibalik na po 'yung mga unit nila. 'Yung isa na lang 'yung hindi ko pa po natse-tsek kung naibalik na o hindi pa. Pero 'yung scenario, nautusan lang po talaga ako para pick-up-in na magda-drive lang po talaga," sabi ni Geonzon.

Hinihimok ng mga awtoridad ang iba pang nabiktima ng suspek na makipag-ugnayan sa kanila. —LBG, GMA News