Dead on the spot ang isang motorcycle rider nang maaksidente ito sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Linggo ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Mark Manlangit, 32-anyos at residente ng Bagong Silang, Caloocan City, base sa nakuhang driver's license, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nangyari ang aksidente dakong 6:30 ng umaga sa tapat ng opisina ng Commission on Audit.

Binabagtas daw ng biktima ang northbound lane nang sumalpok ito sa gutter at siya'y tumilapon.

Posibleng matinding tama sa ulo ang natamo raw ng biktima, sanhi ng pagkamatay nito, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Tumilapon din kasi ang helmet ng rider.

Dumating na ang ilang tauhan ng punerarya para kunin ang mga labi ng biktima.

Kinuha na rin ng MMDA at QCPD ang motorsiklo ng biktima para sa kaukulang disposisyon. —KG, GMA News