Huli sa CCTV ang panloloob sa isang bahay sa Commonwealth, Quezon City, kung saan isang laptop at cellphone ang natangay ng salarin, ayon sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Martes.

Kita sa kuha ng CCTV kung paano binuksan ng suspek ang gate bandang 2 a.m. nitong Lunes hanggang sa makapasok sa isang hindi nakakandadong pinto.

Ani Peter Paul Espiritu, may-ari ng bahay, gising siya nang mangyari ang insidente pero hindi niya ito narinig dahil naka-headset siya.

Dagdag pa niya, hindi na iyon ang unang beses na may nangyaring pagloloob sa kanilang lugar.

"Pang-apat po kami, pero bago po ako, may mga nauna na po," dagdag pa ni Espiritu.

Isang oras bago looban ang bahay ni Espiritu, natangay din ang isang laptop sa bahay ng isa pang biktima na si Jun Maiso.

Samantala, inaalam na ng barangay kung sino ang nasa likod ng sunod-sunod na nakawan sa lugar. Pinaalalahanan din nila ang mga residente na isara at ikandado nang mabuti ang kanilang mga bahay. —Alzel Laguardia/KBK, GMA News